Bitay sa squatters !

Tiniyak ni Eastern Samar Rep. Marcelino Libanan na malulutas ang paglaki ng populasyon ng bansa kapag naging isang ganap na batas ang kanyang House Bill No. 1570 na naglalayong isama sa heinous crime at parusahan ng pinakamabigat na parusang bitay ang mga sindikato, professional squatters at large-scale land grabbers.

Sinabi ni Rep. Libanan na sa kabila na naipasa na noong panahon ni dating Pangulong Marcos ang Anti-Squatting Law (PD 722) hanggang sa panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino ay patuloy pa ring problema ng bansa ang mga squatters na kumakatawan sa malaking populasyon ng bansa.

Dahil wala namang mabigat na parusa sa mga professional squatters at sa mga sindikatong nagbebenta ng mga lupa ng gobyerno, patuloy ang pagdami ng mga squatters lalo na sa Metro Manila.

Base sa record ng Quezon City Task Force on Resettlement Squatting, 47.51 porsiyento ng total land area sa QC o 7,177.3 sa kabuuang 15,061 ektarya ng lupa ay may overlapping sa titulo at marami ang nag-aagawan.

Layunin ng panukala na maparusahan hindi lamang ang mahihirap na naloko sa pagbili ng lupa kundi ang mga manloloko at manggagantso na nagbebenta ng mga pekeng titulo.

Tinukoy sa panukala na ang squatting syndicates ay grupo na namemeke at nagbebenta ng titulo samantalang ang mga professional squatters naman ay ang mga taong nabigyan ng gobyerno ng lupa pero ipinagbili o pinaupahan sa iba upang makatira naman sila sa ibang lupa ng gobyerno.

Ang large scale land grabbing naman ay tumutukoy sa puwersahang pagkuha ng malalaking lupa o walang titulong mga lupain na pinatitirhan sa mga squatters.

Paparusahan din bilang "principal" o pangunahing akusado ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno na makikipagsabwatan sa mga nabanggit na illegal na gawain.

Sakaling mapawalang-bisa ang parusang bitay, habambuhay na pagkabilanggo ang ipapataw sa nagkasala. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments