Sa panukalang batas na ihahain ni Manila Rep. Ernesto Nieva, sinabi nito na iresponsable ang mga lalaking may asawa na nag-aanak pa sa ibang babae kaya dapat lamang silang parusahan.
Nais ni Nieva na i-ban sa lahat ng public office ang mga lalaking mapapatunayang may anak sa labas.
Aminado ito na maraming opisyal ng gobyerno ang tatamaan ng kanyang panukala lalo na ang mga congressmen at senador na may mga anak sa labas.
Hindi rin anya dapat makuha ng "number two" ang mga benepisyong dapat matanggap ng isang opisyal o empleyado ng gobyerno kundi maaari lamang itong ipagkaloob sa original na asawa.
Hindi aniya siya pabor sa 2-child policy na isinusulong ng ilang mambabatas dahil kung ang isang lalaki ay mayroong apat na kabit at aanakan niya ito ng tig-2, walong bata agad ang madadagdag sa populasyon ng bansa. (Ulat ni Malou Rongalerios)