Sa isang panayam sa akusadong si Pablo Martinez sa loob ng NBP, sinabi nito na handa silang "isiwalat" kung sino ang mastermind sa pagpatay kina dating Senador Aquino at bodyguard nitong si Rolando Galman.
Subalit ang pagsisiwalat ay nais nilang gawin sa Kongreso at itinanggi nito na si dating Pangulong Ferdinand Marcos ang siyang nagpapatay kay Ninoy.
"Buhay pa ang mastermind at hindi si Marcos, malapit siya kay Cory. Ako ang nagpasok kay Galman sa loob ng airport, utos yan ng higher ups namin," sabi pa ni Martinez.
Ibinunyag ni Martinez na ang "Oplan Balikbayan" ay binuo upang pangalagaan ang seguridad sa pagdating sa bansa ni Aquino noong Agosto 21, 1983 ngunit ang tunay na intensiyon nito ay i-assassinate si Aquino.
Inamin pa rin ni Martinez na inosente ang 14 iba pang akusado na nakakulong ngayon sa NBP at tanging siya lamang ang may nalalaman sa nasabing operasyon.
Kasabay nito, sinabi pa ng akusadong si Romeo Bautista na karapat-dapat lamang silang mabigyan ng commutation ngunit hindi sila nabibigyan dahil na rin sa political pressure. Sila anya ay biktima ng kawalan ng hustisya sa bansa dahil sila ay una ng inabsuwelto ng Sandiganbayan sa naturang kaso kaya nagkaroon ng double jeopardy sa nasabing kaso.
Magugunita na ibinasura ng Supreme Court ang letter-petition ng mga nabanggit na akusado dahil sa umanoy kawalan ng merito ng kanilang kahilingan. Sinabi ng mga ito sa kanilang liham sa SC na dapat lamang silang palayain na dahil nakapagsilbi na sila ng minimum sentenced mula sa double life na ipinataw sa kanila. (Ulat ni Grace dela Cruz)