Kinilala ni P/Supt. Ericson Velasquez, hepe ng Mandaluyong Police ang isa sa mga suspek base sa nakuhang lisensya sa bulsa nito na si Cesar Andangan,23, residente ng MacArthur Highway, Meycauayan, Bulacan.
Samantalang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawa pang kasama nito na pawang namatay sa lugar ng insidente nang makipagpalitan ng putok kay SPO1 Charlito Corpuz, nakatalaga sa Mandaluyong City police station.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng gabi nang holdapin ng mga suspek na pawang armado ng baril ang JMK JOJO Aircon Bus na may plakang TVN-562 sa kahabaan ng EDSA sa Shaw Boulevard ng nasabing lungsod.
Sa isinagawang pagsisiyasat, tinutukan ng kalibre .38 baril ng isa sa mga suspek ang driver ng bus na si Dante Mendoza at inutos na idaan sa ilalim ng Crossing ang minamaneho nitong sasakyan habang nagsisimulang limasin ng dalawa pang suspek ang pera, alahas, cellphone at ibang gamit ng mga pasahero.
Dahil dito, hindi naman nasiraan ng loob si SPO1 Corpuz at nang makakuha ng tamang tiyempo ay binunot nito ang nakatagong kalibre .45 baril. Agad nitong pinuntirya at pinaputukan ang holdaper na nakatutok ng baril sa driver.
Naging mabilis ang pagkilos ng matapang na pulis at sumunod na binaril nito ang isa pang suspek na nakatayo sa gitnang bahagi ng bus na may hawak na kalibre .45 at bago bumulagta ay nakaganti pa ang huli ng putok kaya tinamaan ang pulis sa kanang kamay.
Bagaman may tama, mabilis na dinampot ng kaliwang kamay ni SPO1 Corpuz ang baril nito. Hindi na niya binigyan pa ng pagkakataon ang pangatlong suspek kaya pinuruhan na niya ito.
Dahil sa naganap na barilan, isang pasahero ng bus na nakilalang si Rolando Gaddi ang sugatan matapos na tamaan ng ligaw na bala.
Pareho ngayong nilalapatan ng lunas sina SPO1 Corpuz at Gaddi sa Polymedic Hospital sa Mandaluyong kung saan sila isinugod.
Dahil sa ginawang katapangan ni Corpuz na dapat ring gayahin ng ibang miyembro ng Philippine National Police (PNP) ay inirekomenda ni Velasquez ang kanyang promotion para maging SPO2 permanent status ito.
Sasagutin rin ng PNP ang lahat ng gagastusin ng nasabing pulis sa pagpapagamot nito sa ospital. (Ulat ni Edwin Balasa)