Sa 32-pahinang desisyon ng CA 15th Division, ipinawalang-saysay nito ang ipinalabas na desisyon ng ERC noong March 20, 2003 at May 30, 2003.
Pinababalik din ng CA ang nasabing kaso sa ERC para sa mas malalim na imbestigasyon at inatasan din nito ang Commission on Audit (COA) na i-audit ang mga libro at records ng mga accounts ng Meralco batay na rin sa Administrative Code of 1987.
Base sa desisyon ng CA na isinulat ni Associate Justice Martin Villarama, hindi nila madedesisyunan ang nasabing kaso kung wala ang desisyon ng ERC na nagreresolba sa nasabing kaso.
Ipinaliwanag din ng CA na hindi dapat pigilan ang gobyerno sa pagkuwestiyon sa iregularidad ng mga kontrata na pinapasok ng Meralco sa Independent Power Producers (IPPs).
Magugunita na nagsumite ng kanilang petition ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa CA kung saan kinukuwestiyon nito ang kahilingan ng Meralco na magkaroon ng agarang pagtaas ng singil nito na umaabot sa P.030 bawat kilowatt hour.
Ayon sa mga petitioners, kinakailangan na protektahan ng pamahalaan ang interest ng publiko laban sa hindi makatarungang pagtaas ng singil sa kuryente at pagsingil sa mga consumers ng Power Purchase Adjustment (PPA) at Currency Exchange Rate Adjustment (CERA).
Binigyang-diin ng CA na umabuso sa kapangyarihan ang ERC sa mabilis nitong pagdedesisyon na hindi man lamang binigyan ng pagkakataon ang mga petitioners sa kanilang kahilingan na pag-aralan ang kanilang isinumiteng ebidensiya at atasan ang COA na beripikahin ang kanilang hinaing.
Bunga nitoy, hindi pa rin aprubado ang kahilingan ng Meralco na magkaroon ng karagdagang singil sa mga consumers nito. (Ulat ni Grace dela Cruz)