Fresnedi umamin sa plunder

Inamin ni Muntinlupa Mayor Jaime Fresnedi sa Office of the Ombudsman na pumalpak ang kanyang administrasyon na magkaroon ng physical inventory ng mga ari-arian nito.

"Physically difficult, if not impossible", ang sagot ni Fresnedi sa kanyang rejoinder affidavit na kanyang isinumite sa Ombudsman bilang sagot sa walong kaso ng plunder at malversation of public funds na isinampa laban dito.

Isa dito ang kawalan ng imbentaryo nang mahigit P2 bilyong ari-arian ng munisipyo kabilang ang mga sasakyan, gamit, appliances at computers.

Sa kanyang affidavit ay inamin ni Fresnedi na sa kanyang karanasan ay imposible na umanong makumpleto ng isang munisipyo ang imbentaryo ng mga ari-arian nito na itinatadhana ng batas.

Sa kanyang alibi, sinisi pa ni Fresnedi ang dating mayor ng Muntinlupa katulad ni Presidential Spokesman Ignacio Bunye dahil sa hindi pagkakaroon ng imbentaryo noong sila ang nakaupo.

Sinabi ni dating Konsehal Rafael Arcia na siyang complainant sa kaso laban kay Fresnedi na ang sagot nito sa kanyang affidavit ay patunay na inaamin ng alkalde ang kasong plunder case.

Aniya ito ay patunay na pumalpak si Fresnedi sa pagbibigay proteksyon sa mga ari-arian ng munisipyo na umaabot ng bilyong piso. Bukod sa kawalan ng imbentaryo ni Fresnedi ay humarap sa iba pang kasong plunder at malversation kabilang ang iligal na paggamit ng Special Education Fund, paglustay sa pondo ng Muntinlupa Polytechnic College at hindi pag-remit ng kontribusyon ng mga guro at empleyado sa GSIS, Pag-Ibig Fund, BIR at PhilHealth. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments