Isang resolusyon ang ihahain ng mga kinatawan ng party-list group na Akbayan sa Kongreso kung saan hihilingin nilang ideklarang persona non grata si Australian Ambassador Ruth Pearce dahil sa hindi nito paghingi ng "sorry" sa Pilipinas.
Sinabi ni Akbayan Rep. Loretta Ann Rosales, dapat humingi ng tawad si Pearce sa Pilipinas dahil sa mga ipinalabas na pahayag ng gobyerno ng Australia na tumutuglisa sa naging desisyon ng Malacañang na pauwiin sa bansa ang tropang Pinoy sa Iraq kapalit ng buhay ng Pinoy truck driver na si Angelo dela Cruz.
Hindi nagustuhan ng ilang solon ang pananahimik ni Pearce sa mga ipinapahayag ng mga opisyal ng Australia laban sa gobyerno ng Pilipinas kung saan tinawag ding "marshmallow" ni Australian Foreign Minister Alexander Downer ang bansa dahil sa pagpapauwi ng mga tropang Pinoy.
Sinabi ni Rosales na walang karapatan ang Australia na tuligsain ang naging desisyon ng ating gobyerno dahil independent nation naman ang Pilipinas.
Nanawagan din ang mga kinatawan ng Akbayan sa mga Filipino na itigil ang pagtangkilik sa mga produktong nanggagaling sa Australia bilang pagpapakita ng protesta sa pagiging arogante ng mga opisyal nito. (Ulat ni Malou Rongalerios)