Ang tatlong mambabatas ang nakalaban ni Speaker Jose de Venecia sa Speakership kung saan pumangalawa sa bilangan si Escudero.
Nais ng grupo nina Paras at Zamora na muling magkaroon ng botohan para sa minorya upang malaman kung sino ang uupong minority leader.
Pero kung susundin ang tradisyon sa botohan ng Speaker, ang kandidato na nakakuha ng pangalawang pinakamaraming boto ang uupong minority leader.
Nagpatawag na kahapon ng minority caucus si Escudero pero hindi ito sinipot nina Paras at Zamora.
Sa isang panayam, sinabi ni Paras na hindi maituturing na "true blue" opposition si Escudero na kumalas lamang sa administrasyon nitong nakaraang eleksiyon.
Ayon sa isang source, posibleng nasaktan ang ego nina Paras at Zamora dahil hindi nila inaasahang masusungkit ni Escudero ang posisyon bilang minority leader.
Nabawasan din ang bilang ng minority members matapos bumalik sa mayorya sina Reps. Gerardo Espina (Biliran) at Danilo Lagbas (Misamis Oriental) na kapwa bumoto kay Paras at Janette Garin (Iloilo) na bumoto kay Zamora.
Sa tradisyon ng Kongreso, ang mga bumoto sa nanalong Speaker ang nagiging miyembro ng mayorya samantala ang bumoto sa natalong kandidato ang nagiging miyembro ng minorya o oposisyon. (Ulat ni Malou Rongalerios)