Bahagi ito ng kanyang pagsusulong na reporma sa gobyerno at pagbabawas sa budget deficit bawat taon.
Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa pagbubukas ng 13th Congress, hiniling ng Pangulo sa mga mambabatas na pagtibayin ang "Government Reingineering Act" para maisakatuparan ang boluntaryong pagreretiro ng mga empleyado ng pamahalaan sa ilalim ng ipapatupad na pagsasaayos ng burukrasya.
Sinabi ng Pangulo na kabuuang 80 mga opisina na sa ilalim ng Office of the President ang nabuwag, subalit kakailanganin pa ang pagsasara ng 30 iba pa lalo na yaong mga opisinang mayroong duplikasyon ng gawain.
Iniharap din ng Pangulo sa sambayanan ang pagpapatibay ng walong mga bagong panukalang batas na magpapataas sa tax collection: gross income taxation mula sa kasalukuyang net income taxation; pagsususog sa Value Added Tax (VAT); buwis sa windfall telecom income; pagtataas ng buwis sa sigarilyo, alak at produktong petrolyo; pagsasaayos ng fiscal incentives at paglikha ng performance-driven system para sa mga ahensiyang tagalikom ng buwis.
Isusulong din ng Pangulo ang bagong patakarang Mamamayan Muna sa susunod na anim na taon para maipabatid sa mundo na ang pamahalaan ay mayroong pagkalinga sa sambayanang Pilipino.
Ayon sa Pangulo, ang ligtas na pagbabalik sa bansa ni Angelo dela Cruz at pagpapalaya sa kanya ng mga militanteng Iraqi ay sumisimbolo sa bagong patakarang panlabas ng kanyang administrasyon na nagbibigay proteksiyon sa kapakanan ng mga Pilipino.
Tinagubilinan din ng Pangulo ang Kongreso na ilatag na ang panukalang batas para sa pagsususog sa saligang batas o Charter Change sa susunod na taon.
Ipinangako rin ng Pangulo sa sambayanang Pilipino ang sapat at murang kuryente sa bansa. Maipapatupad ito sa pamamagitan ng pagsasapribado ng transmission lines at mga planta ng Napocor.
Pero iginiit ng Pangulo na hindi makakamit ang mga adhikaing ito kung hindi tutulong ang lahat ng sektor ng lipunan. Nanawagan ang Pangulo na isantabi muna ang hidwaan at tulungang ibangon ang ekonomiya.
Tumanggap ang Pangulo ng 36 palakpak sa kanyang 37 minutong talumpati na ginawa sa Batasan Complex.(Ulat ni Lilia Tolentino)