Sa 20-pahinang desisyon ng SC, sinabi nito na si Maasin, Southern Leyte Municipal Trial Court Judge Ramon Velasco ay guilty sa mga kasong grave misconduct, abuse of authority, oppression at gross ignorance of the law.
Batay sa rekord ng korte, nag-ugat ang kaso sa reklamo ni Peggy Louise DArcy vda. de Paler, isang non-resident American at asawa ni Abraham Paler, residente ng Maasin City.
Sa rekord, pinaalis na umano ni DArcy si Velasco sa gusali na pinatayo ni Paler upang gamitin sa tuwing uuwi ito sa Pilipinas, ngunit tumanggi naman si Velasco na umalis bagkus ay humingi muna ito ng extension upang makapanatili pa rin ito.
Nadiskubre din ni DArcy na noong April 2000 kinukuha umano ni Velasco ang bayad ng monthly rentals ng mga tenant sa nasabing gusali sa pamamagitan ng pagpapadala sa mga ito ng liham na nagsasabing siya ang katiwala at awtorisadong tumanggap ng bayad ng mga umuupa dito.
At noong August 2000, nagpadala si Velasco kay DArcy ng liham na nagsasabing siya na ang mangangasiwa sa nasabing gusaling ipinatayo ni Paler.
Bunga nitoy nagsampa ng reklamo sa punong barangay ng Abgao ang kampo ni DArcy, ngunit laking gulat naman nito ng madiskubre na siya pala ang sinampahan ni Velasco ng kasong robbery sa chief of police.
Dahil dito, nagsumbong sa SC si DArcy at hiniling dito na disiplinahin si Velasco dahil na rin sa hindi nito pagtanggi na hawakan ang sariling kasong kinasasangkutan at pagpapalabas ng arrest warrant sa una.
Kasunod nito, sinibak si Velasco ng SC at hindi pinapayagan na pumasok sa ano mang tanggapan ng gobyerno. (Ulat ni Grace dela Cruz)