Ayon sa isang source sa DFA, inihahanda at pinoproseso na ng mga embassy officials at grupo ng RP negotiating team ang agarang pagbabalik ni dela Cruz.
Bandang alas-12 ng tanghali kahapon ng tumulak patungong United Arab Emirates si dela Cruz kasama ang negotiating team ng pamahalaan at ilang embassy officials matapos na magbigay ng libreng aircraft ang gobyerno ng UAE na siyang masasakyan ni Angelo.
Mula sa UAE ay dito ipoproseso ang pag-uwi ni dela Cruz sa Pilipinas kasama ang mga opisyal ng bansa na nagsilbing tagapagligtas nito sa pamumuno ni special envoy Roy Cimatu, DFA Usec. Rafael Seguis, Ambassador Ricardo Endaya at OWWA Administrator Virgilio Angelo.
Posibleng si Pangulong Arroyo ang sasalubong kay Angelo sa NAIA at tutuloy para magsimba sa Our lady of Rosales sa Pangasinan upang mag-alay ng panalangin at pasasalamat sa Diyos sa pagkakaligtas sa buhay nito.
Inaasahan namang sa Sabado pa ganap na makakauwi si Angelo sa kanyang lugar sa Brgy. Buenavista, Mexico, Pampanga kung saan pinaghahandaan na ang magarbong "heros welcome."
Nabatid na aabot sa P300,000 ang nakatakdang gastusin ng pamahalaan mula sa DSWD Region III sa mala-piyestang paghahanda bilang mainit na pagsalubong sa pagdating ni Angelo.
Samantala, dumating na kahapon sakay ng Kuwait Airlines ang 10 miyembro ng RP contingent, ang unang grupo na nakapag-pull out sa Iraq. Unang dumating sa bansa ang hepe nilang si Brig. Gen. Jovito Palparan. Hindi pinayagang makapanayam ng media ang 10 at babalik sila sa kani-kanilang mga departamento. Bibigyan sila ng pagkakataong makapagbakasyon at makasama ang pamilya.
Nasa Kuwait pa rin ang 32 natitirang tropa at nag-aantay ng kanilang pag-uwi sa bansa.
Umaabot sa P2 milyon ang gagastusin ng pamahalaan sa ginagawang pagbabalik ng tropang Pinoy kung saan $1,000 ang bayad sa flight ng bawat isang contingent mula Kuwait pabalik sa bansa. (Ulat nina Ellen Fernando/Butch Quejada)