Hepe ng RP contingent,10 pa pinauwi na

Pinabalik na sa bansa ng Malacañang ang hepe ng Philippine humanitarian contingent sa Iraq na si Brig. Gen. Jovito Palparan, kasama ang 10 pa nitong tauhan mula sa 42 natitirang mga miyembro ng kanyang grupo.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Delia Albert, ang grupo ni Palparan ay umalis na sa Iraq kahapon at inaasahang nakarating na sila sa bansa ngayong araw.

Kasamang uuwi ni Palparan sina Major Samuel Apayart (PAF), T/Sgt. Charito Gutierrez (PA), T/Sgt. Orlando Calano (PA), T/Sgt. Negsur Betantos (PN), S/Sgt. Philip Villamar (PN) Marines, S/Sgt. Nestor Lanuevo (PA), Sgt. Ronald Maungay PN (Marines), Sgt. Edwin Garcia (PA), Petty Officer 3rd Class Joven Ibanez (PN) at Seaman 1st Class Data Processor Manuel Cajote (PN).

Hindi naman binanggit ni Albert sa kanyang statement kung kailan isasagawa ang troop pull out sa nalalabi pang miyembro ng humanitarian team bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na mabawi ang truck driver na si Angelo dela Cruz.

Subalit iginiit ng Iraqis na hindi palayain si Angelo hangga’t hindi umuuwi ang kahuli-huliang miyembro ng RP contingent.

Magugunitang ang grupong Khalid Bin al-Waleed na bumihag kay Angelo ay nagtakda nang hanggang Hulyo 20 para mapaalis sa Baghdad ang 51 mga sundalong miyembro ng RP contingent sa Iraq.

Ang unang itinakdang palugit ng Iraqi militants ay noong Hulyo 10 pero napalawig pa ito matapos makipagnegosasyon ang mga opisyal ng pamahalaan sa tulong ng iba pang mga kaibigang bansa na kinabibilangan ng Malaysia, Indonesia, Egypt at iba pang bansang Muslim.

Naka-schedule na umuwi sa bansa ang humanitarian mission sa Agosto 20 at ito sana ang posisyong gustong i-maintain ng pamahalaan sa mga militanteng Iraqi pero nagkaroon ng pagbabago ang patakaran matapos muling magbanta ang mga rebelde na pupugutan si dela Cruz. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments