Ipinapalagay ng mga observers na ang execution sa naturang Bulgarian ay indikasyon na hindi nagbibiro ang mga rebelde sa bantang pupugutan si dela Cruz kapag hindi agarang inalis ng pamahalaan ang tropa nito sa Iraq.
Nabatid kay Foreign Affairs Secretary Delia Albert, walong kasapi ng RP contingent ang nauna nang umalis sa Iraq at 43 na lamang ang natitira doon.
Kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang DFA sa Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines para sa gagawing pull out pa sa natitirang contingent.
Kinumpirma rin ng DFA na pinatay na ang isa sa dalawang Bulgarian at nagbigay ng panibagong 24-oras ang grupo sa isa pang natitirang Bulgarian na pupugutan kung hindi palalayain ng Bulgaria ang mga nakapiit na Iraqis at i-pull out ang may 470 Bulgarian contingent sa Iraq.
Ang dalawang Bulgarian ay nadakip noong Hunyo 27 sa lugar kung saan nadakip din si dela Cruz.
Sa kabila nito, sinabi ng pamahalaang Bulgaria na hindi iaatras ang mga sundalo nito sa Iraq. (Ulat nina Ellen Fernando at Lilia Tolentino)