Umamin si Sto. Tomas na nagkamali siya nang i-feed sa media ang impormasyon na nakuha niya mula sa isang tawag na galing sa Saudi Arabia na pinalaya na umano si dela Cruz at dinala na ito sa isang hotel sa Baghdad.
Si Sto. Tomas ay kasalukuyang nasa Baghdad at sinamahan si Arsenia at Jessie, asawa at kapatid ni Angelo para mapalapit siya sa lugar na kinaroroonan ng binihag niyang mister.
Sa isang radio interview, ikinalungkot ni Sto. Tomas ang maling impormasyon na inihayag niya at hindi muna niya naberipika kaagad na nagsilbing basehan naman ng media sa pag-uulat.
Samantala, nagbigay ng panibagong palugit ang grupo ng Iraqi Islamic Army sa gobyerno ng Pilipinas ng panibagong 48 oras upang magdesisyon na i-pull out ang RP contingent sa Iraq matapos ang apat na araw na taning kapalit ng ulo ni Angelo.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, ang panibagong 48 oras o dalawang araw ay matatapos bukas ng alas-2 ng madaling araw.
Dahil dito, pinatindi pa ng mga negosyador ang pakikipag-usap sa mga Iraqi militants.
Nabatid na walang direktang komunikasyon ang grupo ni special envoy Roy Cimatu sa mga teroristang may hawak kay Angelo at dumadaan lamang sa ibang personalidad ang kanilang pakikipag-negosasyon.
Si Cimatu ang naatasang mamuno sa pakikipag-negosasyon.
Kaugnay nito, nagpalabas ng news blackout ang Malacañang sa hangad na hindi madiskaril ang mga ginagawang negosasyon sa pagpapalaya dito ng grupong Kalid Bin al-Waleed Brigade.
Itinalaga ngayong tagapagsalita hinggil sa pagsisikap na mailigtas si Angelo, si DFA Secretary Delia Albert. (Ulat nina Lilia Tolentino at Ellen Fernando)