Itoy hakbang kasunod ng mga kinakaharap ng simbahan na sunud-sunod na "sex scandal" matapos ang mga sumbong na ilang porsiyento ng mga pari ay may mga asawa at anak habang ang iba naman ay pawang mga homosexual o bakla.
Ayon kay Manila Archbishop Gaudencio Rosales, isa lamang ito sa laman ng napagkasunduan ng mga lider ng simbahan matapos ang limang araw na National Congress for the Clergy.
Ang naturang lifestyle check ay hindi tututok sa yaman ng mga pari tulad ng isinasagawa gobyerno sa mga public officials kundi sa gawaing moral ng mga pari ayon sa pagsunod nila sa Panginoong Hesukristo.
Partikular na isasailalim sa lifestyle check ay ang mga pari na nauna nang nasampahan ng mga kaso o reklamo sa pakikiapid, pangmomolestiya ng mga babae at maging sa kabataang lalaki.
Hindi naman binanggit ni Rosales kung anong uri ng kaparusahan ang ipapataw sa mga paring mapapatunayang lumabag sa kanilang doktrina.
Sa kabila naman nito, ilan sa mga pari ang nananawagan kabilang dito ang tinaguriang "Running Priest" na si Fr. Robert Reyes na payagan nang makapag-asawa ang mga pari upang hindi na malugmok sa kasalanan. (Ulat ni Danilo Garcia)