140 OFWs pa-Iraq hinarang sa NAIA

"Kahit nasaan kami ay puwede kaming mamatay pero kung sa Iraq kami mayayari, tiyak P2.5 milyon ang makukuha ng pamilya namin samantala dito sa atin siguradong wala!"

Ito ang nagkakaisang pahayag ng mga nanggagalaiti sa galit na 140 OFWs matapos silang pigilin ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa NAIA na makaalis kahapon patungo sana sa Iraq.

Pasakay na sa Gulf Airlines flight GF-255 ang mga OFW ng abisuhan na pansamantalang pinasuspindi ni Pangulong Arroyo ang pagpunta ng mga OFWs sa Iraq kasunod ng pagkakabihag sa isang Pinoy doon.

Ikinatwiran naman ng mga laborer na hindi naman agad sila pupunta sa Iraq dahil sa Dubai muna sila magtatrabaho ng 3 months para tingnan ang sitwasyon sa Iraq.

Ang mga laborer ay nirecruit ng Prime Project International para sa isang special project sa Dubai bago sila magpunta ng Iraq.

"Nagpapasalamat din kami dahil ang kaligtasan namin ang inunang tingnan ng gobyerno pero paano ang pamilya namin, magugutom sila," pahayag ng isang OFW na masamang-masama ang loob.

Habang isinusulat ang balitang ito ay pumayag na rin ang POEA na makaalis patungong Dubai ang mga OFW.

Pansamantala munang tutuloy sa OWWA office sa NAIA ang mga manggagawa habang pinoproseso ang kanilang mga papeles. Sa loob ng 3 araw ay inaasahang makakaalis ang mga ito. (Ulat ni Butch Quejada)

Show comments