Kinilala ng isang Arab television ang biktima na si Angelo dela Cruz, truck driver ng Al-Sudas, isang shipping company na nagtatrabaho kasama ng mga sundalong Amerikano sa Iraq. Tatlo pang Pinoy na kasama ni dela Cruz ang iniulat na hindi pa nakakabalik matapos magdeliver ng krudo.
Agad pinulong kahapon ni Pangulong Arroyo ang kanyang Gabinete at ipinasyang itigil muna ang pagpapadala ng manggagawang Pilipino sa Iraq.
Agad ding ipinadala sa Iraq si special envoy to the Middle East Roy Cimatu upang beripikahin ang ulat.
Ang pagkakakidnap sa Pilipino ay ipinalabas sa Al-Jazeera television. Ipinakita sa video footage ang isang lalaking nakaluhod at nakasuot ng orange jumpsuit kasama ang tatlong naka-maskarang Iraqis na miyembro ng Khaled bin al-Walid Brigade na may koneksiyon sa Islamic Army ng Iraq.
Ayon sa grupo, pinatay na nila ang isang Iraqi security guard na kasama ng Pinoy at nagbanta ang mga rebelde na papatayin din ang bihag na Pinoy kung hindi paaalisin ng pamahalaan ang mga sundalo nito sa Baghdad sa loob ng 72 oras.
Galit ang mga Iraqi rebels sa mga Pinoy sa Iraq dahil sa tahasang pagsuporta sa liderato ni US Pres. George Bush kaya isa sa hinihiling ng mga rebelde ay i-pull out ang mga Pinoy troops sa nasabing bansa.
Una nang pinugutan ng mga rebelde ang dalawa nitong bihag na sina South Korean tranlastor Kim Sun-Il at American contractor Nicholas Berg.
Sa isang press briefing kahapon, sinabi ni Presidential Deputy Spokesman Ricardo Saludo na pinag-aaralan pa ng pamahalaan kung dapat nang paalisin ang mga sundalong miyembro ng humanitarian mission sa Iraq.
Kasabay nito, nanawagan ang mga kongresista na pauwiin na kaagad ang RP contingent na kinabibilangan ng 43 sundalo at walong pulis na kasapi ng US coalition forces.
Ayon sa mga kongresista, hindi na dapat hintayin na iuwing nakakabaong at walang ulo ang Pinoy na dinukot.
Kung ipu-pull out anila mula sa Iraq ang mga Pinoy na kasapi ng US forces ay malaki ang posibilidad na makaligtas ang bihag na Pinoy.
Hindi umano sapat ang gagawing pagpapahinto ng gobyerno sa pagpapadala ng mga Pinoy sa Iraq dahil ang hinihiling ng mga Islamic extremist ay lumayas sa kanilang bansa ang mga kakampi ng US coalition forces. (Ulat nina Lilia Tolentino, Ellen Fernando at Malou Rongalerios)