Sa pagdiriwang ng ika-57 anibersaryo ng PAF kahapon ng umaga na idinaos sa Villamor Air Base, inihayag rin ang 50 pang karagdagang mga Huey helicopters na madadagdag sa mga sasakyang panghimpapawid ng Air Force na naglalayong mapalakas pa ang kapabilidad ng depensa ng naturang hukbo.
Papalitan ni Reyes si acting commanding general Maj. Gen. Arcadio Seron na babalik naman sa kanyang puwesto bilang vice commanding general ng PAF.
Bago nahirang na hepe ng PAF, si Reyes ay dating chief of staff of comptrollership ng general headquarters ng AFP sa Camp Aguinaldo.
Miyembro ng PMA Class 1973 si Reyes at nagmula sa mababang ranggo. Dahil sa kanyang magandang record sa serbisyo, personal na pagganap sa tungkulin, integridad at mahusay na liderato nabigyan siya ng serye ng promosyon.
Samantala, sinabi ni Defense Secretary Eduardo Ermita na 30 helicopters na nanggaling sa US, 20 rito ay bahagi ng pangakong suporta ni US President George Bush kay Pangulong Arroyo nang bumisita ito sa nasabing bansa noong 2002.
Ang nalalabi pang 10 helicopters na mula pa rin sa Amerika ay ipadadala sa bansa alinsunod sa Excess Defense Articles (EA) subalit kailangan pa itong i-modernisa kung saan ang gastusin ay aabot sa P400 milyon at inaasahang maide-deliver sa ikatlong bahagi ng taon.
Nabatid pa na tatlo sa mga second hand na helicopters ay darating naman sa susunod na buwan.
Ang nasabing mga aircraft ay bahagi ng modernization program ng AFP na nagsimula pa noong 1995 na hindi kaagad naipursige bunga ng kakulangan ng pondo. (Ulat nina Lilia Tolentino/Joy Cantos)