Sa isang talumpati sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), ipinangako ng Pangulo na lalabanan niya ang graft and corruption sa loob ng susunod na anim na taon ng kanyang panunungkulan sa tulong ng mga opisyal ng gobyerno, CBCP at iba pang interesadong sektor ng lipunan.
Inamin ng Pangulo na hindi ganoon kadali ang pagsugpo sa katiwalian dahil ang problemang ito ay matagal nang suliranin hindi lang ng gobyerno kundi ng lipunan. Ito na anya ang panahon para puspusang itaguyod ang kampanyang ito at tiyaga nga lang ang kailangan.
Inatasan ng Pangulo ang kanyang mga miyembro ng Gabinete na bumalangkas ng mga alituntunin kasama ang CBCP kung paano makapagsusulong ng mga hakbang na susugpo sa graft and corruption.
Ang mga hakbanging babalangkasin, ayon sa Pangulo ay itutugma sa mga suhestiyong iniharap sa kanya ni NAMFREL Chairman Jose Concepcion.
Ang mga ito ay kabibilangan ng pagkakaroon ng kaukulang pagsasanay ng taga-usig na siyang hahawak sa lahat na kaso ng katiwalian; ang pagsasangkot sa lahat na sektor ng lipunan sa pagsusuri at gawing malinaw sa publiko ang lahat na proyektong pinapasok ng gobyerno para matiyak na ang mahihirap ang siyang makikinabang sa mga programang ito ng pamahalaan; ang paglilinaw sa lahat na termino ng subasta publiko at pagsapubliko ng mga ito para maiwasan ang pagkakaroon ng kaso tulad ng PIATCO; at gawing responsable ang kinauukulang mga opisyal para maging malinaw ang lahat na kontrata ng gobyerno.
Sinabi ng Pangulo na ang pagsugpo sa graft and corruption sa pamahalaan ang siyang inaasahan niyang magpapanumbalik sa mataas na pamantayan ng integridad na ipinatutupad sa lahat na antas ng pamahalaan. (Ulat ni Lilia Tolentino)