Lina nag-resign sa DILG

Nagbitiw na sa kanyang tungkulin kahapon si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Joey Lina.

Sa ginanap na press conference, sinabi ni Lina na nais na niyang bumalik sa pribadong buhay matapos ang pagbibigay ng serbisyo sa loob ng 18 taon. Kaagad din niyang nilinaw na walang halong pulitika ang kanyang pagbibitiw.

Ayon kay Lina, noong Disyembre pa ng nakalipas na taon siya naghain ng kanyang letter of resignation kay Pangulong Arroyo subalit hindi ito pinayagan dahil kasagsagan noon ng kampanya sa eleksiyon.

Nagpasya na lamang si Lina na tapusin ang halalan at tulungan ang Pangulo sa kanyang pangangampanya.

Ipinaalam na ng kalihim ang kanyang desisyong magbitiw kay Executive Secretary Alberto Romulo na nagbigay ng pahintulot kay Lina na isapubliko ang kanyang desisyon.

Pinasalamatan ni Lina ang Pangulo sa pagkakataong ipinagkaloob sa kanya para makapaglingkod sa gobyerno bilang miyembro ng Gabinete.

"I shall now continue to serve God and country in a new capacity as a private citizen. I thank PGMA for the rare privilege of having serve our people as part of her government," sabi ni Lina.

Pagkaraan anya ng mahabang panahong paglilingkod sa publiko, nais naman niyang ganap na mabigyang atensiyon ang pangangailangan ng kanyang pamilya lalo na ang kanyang anim na mga anak.

Tinanggihan din ni Lina ang pagpapalawig pa ng kanyang panunungkulan at pinabulaanan na ililipat siya ng puwesto ng Pangulo.

Wala pang inihahayag na makakapalit ni Lina. (Ulat nina Doris Franche,Lilia Tolentino at Angie dela Cruz)

Show comments