Sa 10-pahinang petition for certiorari, prohibition at injunction with temporary restraining order (TRO) na inihain ni National Association of Electricity Consumers for Reforms at ni Sigfried Veloso ng Federation of Village Association, nilinaw ng mga ito na hindi dumaan sa tamang proseso ang panibagong pagtataas ng singil ng Meralco.
Iginiit pa sa petisyon na hindi rin umano dumaan sa hearing ang panibagong pagtataas upang maikonsulta muna at malaman ang panig ng mga consumer tungkol dito.
Napag-alaman na planong magtaas ng Meralco ng 3.1886 hanggang 3.321 kada kilowatt hour.
Nilinaw pa ng grupo na kinakailangan umanong sundin ang implementing rules and regulations ng section 4 (e) rule 3 ng Electric Power Industry Act o EPIRA law na dapat mailathala muna sa mga pahayagan bago magtaas ng singil.
Handa rin umano ang grupo na maglaan ng prenda o bond kung kakailanganin ito ng Mataas na Hukuman sa kanilang hinihinging TRO. (Ulat ni Gemma Amargo)