Opisina ni Kabayan pinadlock,pinag-aawayan nina Ping at Jinggoy

Ipinadlock kahapon ng Office of the Senate secretary ang iniwang kuwarto ni Vice President Noli de Castro matapos bigla itong okupahin ng mga tauhan ni Sen. Panfilo Lacson gayong naipagkaloob na ito kay Sen. Jinggoy Estrada.

Iniutos ni Senate secretary Oscar Yabes ang pagkandado sa iniwang opisina ni VP de Castro matapos "ikudeta" ng mga tauhan ni Sen. Lacson at ilagay ang mga gamit at litrato ni Ping.

Ayon kay ex-Rep. Simeon Garcia, chief of staff ni Jinggoy, lumiham sila kay Yabes upang ipabatid na nais nilang kunin ang babakantehing opisina ni de Castro matapos makapanumpa na ito bilang bise presidente.

Pinayagan naman umano sila at ipinabatid sa tanggapan ni Senate President Franklin Drilon.

Hindi umano pinaboran ang kahilingan ng staff ni Sen. Lacson na okupahin bilang extension office ang tanggapan ni de Castro dahil hindi naman sila lilipat ng silid kundi extension office lamang kaya mas pinagbigyan ang request ni Estrada.

Pinipilit ng mga staff ni Estrada na makuha ang nasabing opisina dahil ayon daw sa "pungsoy" ay suwerte ang kuwartong ito kaya nanalo si Kabayan sa nakaraang vice presidential race.

Ayon naman kay Atty. Cesar Salazar, staff ni Lacson, ipinamana na sa kanila ni de Castro ang tanggapan nito bukod sa iniwan pa nga ang ilang gamit dito bilang pamana na rin ng vice president kay Ping.

Ang opisina ni de Castro ay dapat sana mapupunta kay Sen. Joker Arroyo pero pumayag naman ang huli na makipagpalit na lamang kaya ang ookupahin nito ay ang opisina na binakante ni Sen. Tessie Aquino-Oreta na hindi na tumakbo sa nakaraang eleksiyon.

Ang dapat opisinang mapupunta kay Jinggoy ay ang opisina ng natalong si Sen. Robert Barbers pero humirit ng ibang kuwarto hanggang sa mapunta na lamang dito ang opisina ni Arroyo.

Habang wala pang nagiging desisyon ang komite na nagtatalaga ng mga kuwarto sa mga senador ay pansamantalang ipinadlock ang opisina ni Kabayan. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments