Galit na bumuwelta ang mga PAGCOR employees kay Archbishop Cruz at tinawag itong pakialamero at malisyosong miyembro ng simbahan.
"Bilang alagad ng Diyos, dapat alam ni Archbishop Cruz kung ano ang kaibahan ng katotohanan sa kasinungalingan. Dapat niya ring matanto na nakasaad sa Bibliya na tuluyang masusunog sa impiyerno ang mga sinungaling," ayon sa isang apektadong PAGCOR employee.
Sa salaysay ng mga naturang empleyado at iba pang kasamahan nito, hindi lamang ang kanilang reputasyon bilang respetadong PAGCOR employees ang lubhang naapektuhan kundi na rin ang kani-kanilang mga pamilya ng ipalathala ni Archbishop Cruz sa mga pahayagan na nagsilbi silang mga GRO sa birthday party ni First Gentleman noong Hunyo 26 sa Malacañang.
Nilinaw ng mga empleyado na boluntaryo silang dumalo sa okasyon para magsilbing "usherettes" dahil isang malaking karangalan para sa kanila ito.
Malabo umano ang paratang ng obispo na may kalaswaan naganap sa naturang okasyon dahil dinaluhan ito mismo ni Pangulong Gloria Arroyo at iba pang matataas at respetadong tao tulad nina Vice President Noli de Castro, Speaker Jose de Venecia at Senate President Franklin Drilon.
Bukod sa mga ito, may mga dumating din na bisita tulad ng mga religious leaders, negosyante, mga mag-asawa, lolo at lola pati na rin mga musmos na bata kabilang mismo ang apo ni Pangulong Arroyo kaya isang malaking kasinungalingan ang sinabi ng obispo na may iba pang ginawa ang mga PAGCOR employees bukod sa trabaho ng usherettes.
Isang magulang ng apektadong PAGCOR employee na dumalo din sa okasyon ang nagpatunay na walang kalaswaan na naganap sa FGMA birthday party.
Ayon kay Wilson Tecson, ama ni Sharleen Tecson, isa sa 20 usherettes, dumalo ang kanyang buong pamilya sa naturang okasyon at wala silang nakitang kalaswaan sa ginampanan na tungkulin ng kanyang anak.
Sa pahayag naman ni Cruz, sinabi nito na hindi siya hihingi ng paumanhin sa mga kababaihan dahil hindi niya intensiyon na saktan ang mga ito kundi layunin lamang niya na idepensa ang kanilang mga dignidad bilang babae at empleyado ng PAGCOR.
Handa rin umano siyang magpakulong at hindi niya lalabanan ang isasampang kaso laban sa kanya, gayundin hindi na rin siya kukuha ng abogado na magtatanggol sa kanya. (Ulat ni Gemma Amargo)