Iniharap sa media ni ATTF chief at Defense Secretary Eduardo Ermita ang itiniwalag sa serbisyong si P/Supt. Roberto Camarista at ang Tsinoy na si Ben Sim, na siyang nagpondo sa paggawa ng mga bomba.
Sinabi ni Ermita na nasupil ang posibleng pananabotahe ng grupo ni Camarista tulad ng pambobomba sa nakatakdang inaugural address ni Pangulong Arroyo sa Luneta Grandstand bukas bago ang pormal na oath-taking nito na gaganapin naman sa Cebu City.
Ibinulgar ni Ermita na bahagi ng plano ng grupo ay isabotahe ang proklamasyon ng Pangulo at ang nakatakdang inagurasyon nito hanggang sa pabagsakin ang pamahalaan.
Ayon pa kay Ermita, si Camarista ay sumuko nitong Biyernes ng gabi kay Asst. Defense Secretary at ATTF spokesman Atty. Ricardo Blancaflor sa isang safehouse sa Malolos, Bulacan. Samantalang ang tauhan nitong si Sim ay nadakip sa isang Max restaurant sa Quezon City Circle sa Quezon City.
Sa tactical interrogation ay inamin ni Camarista na siya ang nagplano ng pagtatanim ng bomba sa tanggapan ng DILG at DND noong Hunyo 20 at sa Sanctuario de San Antonio sa Makati City nitong nakaraang Hunyo 21.
Ang dalawa ay nasa custody ng National Bureau of Investigation (NBI) habang inihahanda na ang pagsasampa ng kasong rebelyon laban dito.
Una nang nasakote nitong nakalipas na Hunyo 22 ang tatlong tauhan ni Camarista.(Ulat ni Joy Cantos)