Ayon kay AFP-Civil Relations Service Chief, Brig. Gen. Victor Corpus, patuloy ang banta ng mga destabilizers upang pabagsakin ang administrasyon na iniumang umpisa sa nakatakdang tradisyunal na "inaugural ceremony" na susundan ng malawakan at marahas na mga pagkilos kasabay sa kilos-protesta ng mga talunang kandidato.
Isiniwalat ni Corpus na pangungunahan umano ang nasabing marahas na mga pagkilos ng Communist Party of the Philippines (CPP) at ng armadong galamay nito sa New Peoples Army (NPA).
Base sa kanilang kumpirmadong ulat, inilantad nito ang umanoy pakikipag-alyansa ng makakaliwang hanay sa mga makakanan upang makabuo ng isang solidong puwersa laban sa gobyerno.
Nabatid na ang National United Front Commission (NUFC) ng CPP sa pangunguna ng pinuno nito na si Vicente Ladlad ay bumuo ng pakikipag-alyansa sa rightist group tulad ng Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa (RAM), Philippine Guardian Brotherhood Inc. (PGBI), KAWAL at Magdalo na nagpaplanong makapaglunsad ng isang kampanyang magpapatalsik kay Pangulong Arroyo.
Sinabi pa sa report na pagkatapos ng 2004 elections, ang CPP-NPA-NDF ay sasanib sa mga cause-oriented at sectoral groups na sumama naman sa hanay ng oposisyon upang kuwestiyunin at wasakin ang kredibilidad ng nakalipas na botohan. (Ulat ni Joy Cantos)