Sa isang press conference na ginanap sa Quezon City, sinabi ni Limcauco na isang malaking kasinungalingan at walang basehan ang bintang ni Galang na siya ang may utos dito na mandaya sa naganap na eleksiyon sa Mindanao.
Aniya, kung may sapat na ebidensiya si Galang sa bintang nito, nararapat lamang na dalhin niya ito sa korte o kayay sa Comelec na lehitimong nag-iimbestiga sa anumang reklamo o protesta.
Ibinulgar ni Galang ang tinatawag na "Oplan Mercury" sa administrasyon na isinagawa sa Mindanao na ang layunin ay papanalunin si Pangulong Arroyo sa May 10 elections. Ang may pakana raw nito ay si Limcauco. Subalit sinabi ni Limcauco, ang pagbubulgar ni Galang ay nagpapatunay lamang na desperado na ang oposisyon makaraang manalo ng mahigit isang milyon ang Pangulo at ito ang hindi nila matanggap. (Ulat ni Doris Franche)