Ayon kay League of Filipino Students-High School (LFS-HS) chairperson China de Vera, magsasagawa ang kanyang grupo ng kilos-protesta upang harangin ang pagpapatupad ng "Bridge Program" na ngayon ay ginawang optional na lang at manawagan sa pamunuan ng DepEd para sa ikakaayos ng kalidad na edukasyon ng bansa.
Sinabi ni de Vera, isa sa magiging tampok ng isasagawa nilang protesta ay ang pagwa-walk out ng ilang libong estudyante sa Quirino High School sa Project 3, Quezon City upang ipakita ng mga ito na laban sila sa nasabing programa ng DepEd.
Bukod sa Bridge Program ay tatalakayin din sa pagkilos ang kakulangan ng classroom ng mga public schools sa bansa na lumobo na sa 51,319 mula sa 42,699 noong nakaraang taon.
Base sa rekord ng DepEd, tinatayang aabot sa 5.5 milyong high school student ang dadagsa sa ibat ibang pampublikong paaralan sa pagsisimula ng klase ngayong araw. (Ulat ni Edwin Balasa)