Ayon kay Lipa City Archbishop Ramon Arguelles, nababahala ang Vatican sa pagkabalam ng bilangan at nagdarasal araw-araw si Pope John Paul II para mahadlangan ang ano mang krisis na posibleng idulot ng isang "no proclamation scenario."
Itoy kasunod ng naganap na pag-walkout ng mga abogado ni KNP standard bearer Fernando Poe, Jr. sa ginaganap na canvassing ng mga balota ng joint committee sa Kongreso na ayon sa ilang political observer ay posibleng bahagi ng malaking plano para walang madeklarang presidente sa katapusan ng buwang ito.
Ayon kay Arguelles, tumanggap ng kalatas ang Iglesia Katoliko Romano sa Pilipinas mula sa Vatican na pumupuna sa canvassing ng Senado at Mababang Kapulungan na maituturing na "pinakamabagal sa buong mundo."
Masyadong concern diumano ang Santo Papa dahil nakataya ang kapakanan ng halos 70 milyong Katoliko sa Pilipinas.
Hindi raw normal na abutin ng tatlong linggo ang bilangan na nabibitin dahil sa mga delaying tactics ng mga mambabatas na nasa panig ni FPJ.
Tinawag diumano ng Santo Papa ang mga naturang solons na "hindi maka-Kristiyano" dahil sa kanilang pagbitin sa bilangan.
Kinatigan ng Papa ang deklarasyon ng Simbahang Katoliko kamakailan na "walang talamak na dayaan" sa katatapos na eleksiyon.
Malapit umano sa puso ng Santo Papa ang Pilipinas dahil ang ating bansa ang ikatlo sa may pinakamalaking populasyon ng mga Kristiyano sa buong mundo.