Naglakas-loob na lumantad ang naturang mga election officers pagkatapos ireklamo ni Basilan election officer Hadja Rashma Hali ang dalawang abogado ng KNP ng umanoy pandurukot at pagpuwersa sa kanya na palabasing nagkaroon ng dayaan noong May 10.
Ayon sa sinumpaang pahayag ng 6 election officers, inalok sila ng pera, libreng tiket sa eroplano patungong Maynila, hotel accommodation at seguridad ng mga nagpakilalang tauhan ng KNP kapalit ng paglagda sa isang affidavit na nagsasabing nagkadayaan sa kanilang bayan.
Ayon kay Raufden Mangelen, election officer ng D.O. Sinsuat, isang lalaki ang lumapit sa kanya noong huling linggo ng Mayo at hinikayat siyang bawiin ang pahayag na naging payapa ang halalan.
"He tried to convince me to testify that the election in my municipality was fraudulent. In exchange for that, he offered me money, round trip ticket and hotel accommodation just to fix my signature, but I refused to do so," ani Mangelen.
Tinukoy naman ni Barira election officer Omar Marandang ang isang "Toto" na tumawag sa kanya at nagpumilit ding kunin ang kanyang pahayag na magulo ang halalan sa kanyang bayan.
Ibinulgar naman ni Bai Haidy Mamalinta, acting election officer ng South Upi na tinawagan siya ng isang nagpakilalang tauhan ng KNP noong Mayo 23 sa pareho ring dahilan.
"The caller offered me money and security just to say false report, but I refused," dagdag na pahayag ni Mamalinta.
Ilan pa sa mga nagreklamong election officers ay mula sa bayan ng Parang, Shariff Aguak at isa pang bayan sa Maguindanao. Anila, kahit itinuring na hotly-contested ang ibang bayan sa lalawigan, naging tahimik at maayos ang naganap na halalan.
Sa kasalukuyan, nahaharap sa kasong illegal detention at grave coercion sina Atty. Rufus Rodriguez at Atty. Harriet Demetriou dahil sa reklamo ni Hali.