Sa tatlong-pahinang complaint affidavit na isinumite ni P/Senior Insp. Jesus Kabigting, hepe ng General Investigation branch ng PNP-CIDG, kinasuhan ng serious illegal detention at grave coercion ang dalawang abugado makaraang masangkot sa umanoy pagdukot sa isang election officer ng Basilan upang gawing testigo na magpapatunay ng umanoy pandaraya ng administrasyon sa nagdaang halalan.
Dawit din sa kaso sina P/Director Roberto Calinisan, lider ng FPJ for President Movement na si Manny Portes at ilan pang hindi nakikilalang kalalakihan.
Nakasaad sa reklamo na naganap ang insidente noong Mayo 31, 2004. Patungo sa Comelec sa Maynila si Hadja Rashma Hali at anak nitong si Fherdaosia Hali kasabay ni FPJPM district coordinator Hasim Sablin at isang nagngangalang Malik para ibigay ang kopya ng certificate of canvass at election returns sa kampo ng KNP.
Pagdating sa Maynila, maghihiwalay na sana ang tatlo nang isang itim na van ang tumigil sa kanilang harapan at inanyayahan si Hali na sumakay.
Nang tumanggi, isang di-kilalang lalaki ang kumaladkad sa election officer at sa kanyang anak upang sumakay kasama nina Malik at Sablin.
Dinala sila sa Room 702 ng Pacific Plaza sa Ermita, Maynila kung saan ipinakilala sila kay Calinisan, Rodriguez at Demetriou. Diumano ay pinilit siya ni Calinisan na tumestigo para patunayan ang iregularidad sa halalan sa Basilan subalit hindi pumayag dahil tiyak niyang naging maayos ang kanilang eleksiyon doon.
Hindi pinayagan ang mag-ina na umalis sa hotel at kinaumagahan ay dinala naman sila sa FPJ studio sa Quezon City kung saan tinanong siya ng ilang mga bagay ukol sa halalan.
Sa mga sumunod na dalawang gabi at tatlong araw ay nanatili sila sa naturang studio kasama si Sablin at hindi pinayagan makalabas.
Noong Hunyo 4 ay dinala sina Hali sa Makati hall of justice kung saan pilit umanong pinapirmahan sa kanya ni Demetriou ang ilang mga papeles na hindi na niya nabasa dahil sa sobrang takot.
Nakauwi lamang si Hali noong Hunyo 9. (Ulat ni Gemma Amargo)