Sa kanyang press briefing kahapon, nilinaw din ni Presidential Deputy Spokesman Ricardo Saludo na hindi ang Palasyo ang may ideya ng pagpapataw ng buwis sa text gaya ng pinalalabas sa mga ulat.
Ang planong tax sa text ay inihayag ni NEDA Economic Planning Sec. Romulo Neri sa isang press briefing sa Malacañang Press Corps kamakailan.
Inaasahan anyang makakalikom ang pamahalaan ng kulang sa P7 bilyon hanggang P14 bilyon mula sa hakbanging ito na makakatulong ng malaki sa kasalukuyang kakulangan sa pondo.
Nang tanungin kung ano ang gagawin ng pamahalaan para makalikom ng pondong pamalit sa panukalang tax sa text, sinabi ni Saludo na pagbubutihin ng gobyerno ang paglikom ng buwis sa sigarilyo at alak at iba pang nakalalangong inumin. (Ulat ni Lilia Tolentino)