Sinabi ni dating Konsehal Rafael Arciaga, na inamin mismo ni Fresnedi sa kanyang counter-affidavit na ginasta niya ang P104.09 milyon o 75 percent ng 2001 Special Education Fund (SEF) para sa suweldo at allowance ng mga empleyado. Aniya, ito ay labag sa Section 272 ng New Local Government Code na nagsasabing ang SEF ay maaari lamang gamitin sa operasyon ng mga paaralan, pagtatayo ng silid-aralan, educational research pagbili ng libro at sports development.
Humaharap ngayon si Fresnedi sa walong counts ng plunder at malversation of public funds sa Ombudsman dahil sa ilegal na paggamit umano ng pondo na umaabot ng mahigit sa P2 bilyon batay na rin sa imbestigasyon ng Commission on Audit (COA).
Sinabi pa ni Arciaga na pumalya si Fresnedi na pabulaanan ang mga ebidensiyang kanyang iniharap. Aniya, ang maling paggamit ng SEF ay nagresulta sa pagsisikip ng bawat klase at kakulangan ng libro sa lungsod.
Hinihinala ni Arciaga na kaya hindi makumpleto ang imbentaryo ng ari-arian ng lungsod ay dahil sa mga ghost purchase at pagkawala ng mga gamit dahil sa kapabayaan.
Kabilang sa sinasabing nilabag umano ng alkalde ay ang GSIS Act of 1997 o RA 8291.
Lumalabas sa sulat ni GSIS senior vice president Leticia Sagcal na ang kontribusyon noong 2002 ay nai-remit lamang ng buwan ng Enero at Pebrero ng taong kasalukuyan. Sa sulat ay binalaan ni Sagcal si Fresnedi na i-remit ang mga kontribusyon sa loob lamang ng 10-araw. (Ulat ni Ellen Fernando)