Umabot sa 104,768 ang botong nakuha ni Poe samantalang 86,587 ang nakuha ni Arroyo. Pumangatlo si Sen. Panfilo Lacson, 30,466; sinundan ni Bro. Eddie Villanueva, 17,801 at panghuli si dating DepEd Sec. Raul Roco, 17,436.
Sa bise presidente, nanguna si Sen. Loren Legarda, 130,048 boto; pumangalawa si Sen. Noli de Castro, 110,678; Hermie Aquino, 7,726 at pang-huli si Rodolfo Pajo,475.
Kabilang sa mga probinsya kung saan nakakuha ng malaking boto si Poe ay ang Aurora at Marinduque. Nakakuha si FPJ ng 42,282 boto sa Aurora province samantalang 16,755 lamang ang nakuha ni Arroyo.
Dahil sa nakaungos si FPJ sa Pangulo, kapuna-puna ang pananahimik ng mga kaalyado ni Poe sa joint committee kapag binibilang ang mga COCs kung saan lamang ang action king.
Nanahimik rin kahapon si Sen. Aquilino Pimentel na naging dahilan nang mabagal na bilangan kamakalawa matapos na magdadakdak ng ilang oras na naging dahilan kung bakit naiinis ang mga nanonood sa gallery sanhi ng kanilang pag-walk-out.
Samantala, pinabulaanan ng Malacañang ang alegasyon na pakana ng Palasyo ang "walk-out" na ginawa ng grupong pro-GMA sa Kongreso bilang protesta sa apat na oras na pagsasalita ni Pimentel.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesman Ricardo Saludo, hindi lang naman maka-GMA ang bumubuo ng mga taong nag-walk-out kundi maging ang mga bumoto kay FPJ. (Ulat nina Malou Rongalerios at Lilia Tolentino)