Sa isang panayam, sinabi ni Pacasirang S. Batidor ng MUM at KNP candidate sa pagka-board member sa 2nd district ng Lanao del Norte, sinabi umano sa kanila ni Devanadero noong nasa Las Palmas Makati sila na kailangang ihayag nila sa publiko na walang naganap na dayaan sa nakaraang halalan at kapag nangyari ito ay ang kanilang grupo ang mangangasiwa sa Office of Muslim Affairs (OMA).
Sinabi din ni Batidor na may alok din umano sa kanilang pondo na nagkakahalaga ng P50,000 kada isa at nakita niyang may ilan ang tumanggap na ng P15,000 bilang paunang bayad.
Kaugnay nito, hinamon naman ni Congressman Abdullah "Dabs" Mangotara, KNP congressional candidate sa Lanao del Norte si Comelec Chairman Benjamin Abalos na patunayan sa kanila kung talagang walang naganap na dayaan sa nagdaang eleksiyon sa Mindanao.
"Hindi talaga kami titigil hanggat hindi naitatama ang mga maling nagawa ng Comelec sa nagdaang election, unang una, sinabi noon ng Comelec na magpatupad ng re-registration ng mga botante pero anung nangyari, walang naganap na muling registration sa Lanao del Norte," pahayag ni Mangotara.
Sinabi din nito na wala silang gagawing electoral protest dahil wala din namang mangyayari. (Ulat ni Ellen Fernando)