Alas-10:45 ng umaga nagbukas ang sesyon ng komite pero halos ala-una na nakapagsagawa nang pagbibilang ng CoCs dahil pinagtalunan pa rin ang rules o panuntunan.
Hindi rin agad nakapagbilang ang joint committee dahil kinuwestiyon ni Makati Rep. Agapito "Butz" Aquino ang kawalan ng quorum dahil late ang ilang miyembro ng Senado at Kamara.
Sinabi ni Aquino na ang mga mambabatas na eksakto sa oras dumating ang naapektuhan dahil kailangan pa nilang hintayin ang mga late na miyembro ng joint committee.
Inirekomenda nito na sa mga susunod na araw, alas-10 ng umaga umpisahan ang canvassing at huwag nang hintayin ang mga late na miyembro ng joint committee.
Pagkatapos nito ay pinagtalunan naman ng komite kung peke o authentic ang binabasa nilang CoCs dahil sa kawalan ng karanasan ng mga mambabatas na suriin ang mga dokumento.
Nang magsimula nang bilangin ang boto mula sa Sweden, nadiskubre na 43 boto lamang pala ang pinagtalunan nila ng halos dalawang oras na debate.
Sa pinakahuling data, nanguna pa rin si Pangulong Arroyo matapos mabuksan ang 20 CoCs kung saan naitala ang 5,475 boto para sa kanya, Fernando Poe, Jr., 3,609; Raul Roco, 2,036; Sen. Panfilo Lacson, 1,373; at Bro. Eddie Villanueva, 1,202.
Nanguna naman sa bise presidente si Sen. Noli de Castro, 7,178 at Sen. Loren Legarda, 5,287; Hermie Aquino, 869 at Rodolfo Pajo, 51.
Samantala, hiniling ni Sen. Aquilino Pimentel na pag-aralan muli ang Absentee Voting Law dahil malaking pondo ang nasasayang sa pagsasagawa ng eleksiyon sa mga bansa na maliit lamang ang botante. (Ulat ni Malou Rongalerios)