Sa tatlong pahinang mosyon, sinabi nina Noel Malaya at Manuel Pamaran, court-appointed lawyers ni Estrada na nais ng senador na makausap ng personal ang mga Pinoy sa US at malaman ang kanilang mga problema.
Balak ni Jinggoy na umalis ng bansa sa Hunyo 10 o 11 dahil nakatakda siyang dumalo sa dalawang araw na pagdiriwang sa California sa Hunyo 12 at 13. Gaganapin ito sa Civic Center Plaza sa harap ng San Francisco City Hall sa California.
Sa sulat ni Sid Protasio, chairman ng Fiesta Filipina, ang pinakamalaking Fil-American Independence Day celebration sa North America, sinabi nito na pinili nila si Jinggoy na maging guest speaker sa pagdiriwang ng ika-106th Philippine Independence.
Ayon naman kay Jose Flaminiano, isa sa mga abogado ni Jinggoy, na sigurado namang babalik sa bansa ang kanilang kliyente pagkatapos ng pagdiriwang dahil isa na itong senador.
Pero kinontra ni Special Prosecutor Chief Dennis Villaignacio ang kahilingan ni Estrada dahil mayroon pa silang nakabinbing mosyon sa SC kung saan pinakakansela nila ang piyansa ng dating mayor ng San Juan. (Ulat ni Malou Rongalerios)