Sa isang unanimous vote, binalewala ng Supreme Court (SC) ang kahilingan ng KNP na magpalabas ng temporary restraining order (TRO) na inihain ni Davao City Rep. Ruy Elias Lopez.
Bukod dito, binigyan din ng hanggang Lunes ng tanghali si Senate President Franklin Drilon, House Speaker Jose de Venecia at Office of the Solicitor General (OSG) upang magbigay ng komento tungkol sa "Petition for Prohibition and Mandamus with Prayer for Issuance of TRO" base na rin sa botong 9-4 ng mga mahistrado.
Ayon kay Atty. Luzviminda Puno, SC clerk of court, tatalakayin ang petisyon ni Lopez sa Martes, makaraang makapag-sumite ng komento ang mga respondents at ang OSG.
Iginiit ni Puno na wala pang hurisdiksiyon ang SC sa nasabing kaso, at ang merito ng petisyon ang tatalakayin ng mga mahistrado sa Martes subalit hindi pa rin umano madedetermina kung ang kaso ay puwedeng hawakan ng korte o political nature lamang.
Magugunita na nagsampa ng petisyon ang KNP sa SC upang atasan nito ang Kongreso na ihinto ang ginaganap na canvassing para sa Presidente at Bise Presidente.
Sa kabila nito, sinabi naman ni Atty. Rufus Rodriguez na isa pa ring tagumpay ito sa kanilang kampo dahil ang kanilang petisyon ay mananatiling buhay bunsod na rin ng paghingi ng SC ng komento ng mga respondents at pag-aaralan pa ang mga isyung kanilang kinukuwestiyon tungkol sa canvassing.
Nagpahayag ng tiwala si Rodriguez na may pagkakataon pa na mapahinto ang canvassing dahil sa nakasalalay dito ang interest ng bansa. (Ulat ni Gemma Amargo)