Sa inihaing 20 pahinang petition for prohibition and mandamus ng KNP sa Kataas-taasang Hukuman ni Davao City 3rd Dist. Rep. Elias Lopez, hiniling nito ang pagpapalabas ng status quo upang atasan ang Senate President at Speaker ng House of Representative na ihinto ang canvassing dito.
Ayon kay KNP legal counsel Atty. Rufus Rodriguez, umabuso sa tungkulin sina Senate President Franklin Drilon at House Speaker Jose De Venecia ng ipag-utos ng mga ito ang canvassing sa pamamagitan ng 22-man panel at hindi ng buong Kongreso.
Sinabi pa ni Rodriguez na ang naging aksiyon ni Drilon at de Venecia ay isang malinaw na paglabag sa Konstitusyon na nagreresulta sa pag-abuso sa kanilang tungkulin at kawalan ng hurisdiksyon.
Iginiit pa nito ang nakasaad sa Article 7 Section 4 ng 1987 Constitution na ang canvassing ay kailangan gawin sa joint session ng Kongreso, at hindi nalilimitahan lamang sa iilang miyembro o committee nito.
Samantala, sinabi naman ng isang mataas na opisyal ng Supreme Court (SC) na tumangging magpabanggit ng pangalan na ang resolusyon ay maaaring aksiyunan agad ng Korte upang hilingin nito na magsumite ng kanilang komento sa itinakdang araw sa naturang usapin.
Ayon pa sa source na maaari silang magpatawag ng oral argument anumang oras upang makapag-prisinta ang bawat partido kabilang dito ang Office of the Solicitor General. (Ulat ni Gemma Amargo)