Sinabi ni PNP spokesman P/Chief Supt. Joel Goltiao na nahirapan ang kampo ni FPJ na maka-recruit ng mga squatters para sumama sa paglulunsad ng mass actions o kilos protesta sa gitna na rin ng isinasagawang bilangan ng boto sa Batasan complex, Quezon City. Kinapos rin umano sa pondo ang grupo kaya hindi nagtagumpay ang matagal ng mga itong pinagplanuhang paglulunsad ng Aklas Bayan.
Base sa report, inaalok umano ng mga recruiter ng mula P300 hanggang P800 na maaari pang umabot sa P1,000 ang mga mahihirap para sumama sa Aklas Bayan para bulabugin ang Metro Manila pero nahirapan ang mga ito.
Bunga ng kahirapang mag-recruit sa Metro Manila ay sa mga kanugnog na lalawigan na lamang itinuon ng mga ito ang kanilang konsentrasyon sa pagre-recruit ng mga lalahok sa rally.
Layon ng Aklas Bayan na harangin ang proklamasyon ni Pangulong Arroyo sakaling ito ang mahalal na nagwagi sa May 10 elections. (Ulat ni Joy Cantos)