Sinabi ng Pangulo na ang tsismis na ito ay maaaring pinakalat ng mga desperado at talunang mga tao na hindi matanggap ang kanilang pagkabigo sa nakaraang halalan.
Ayon sa Pangulo, ang INC ay dati na niyang tagasuporta noong kumandidato siyang senador noong 1992 at bise presidente noong 1998.
"Hinihiling ko sa mga naninira sa Iglesia Ni Cristo na huwag silang idamay sa pulitika," anang Pangulo. Hindi anya dapat ibunton ang sisi sa INC ang kanilang pagkatalo sa pulitika.
"Hindi ko kailanman magagawang dungisan ang kanilang katapatan sa pamamagitan ng pag-aalok ng pera. Ang aming pagiging magkaisang ispiritwal, moral at materyal na kapakanan ng mamamayan ay hindi kailanman nabibili," anang Pangulo.
Kaugnay nito, sinabi ng Pangulo na patuloy niyang iniaalok ang kamay ng pakikipagkaisa sa kanyang mga kritiko na handang tumulong sa pagtataguyod ng kapakanan ng sambayanan.
Pero kailangan anyang iwasan na ang mga walang basehan at personal na pang-aatake alang-alang sa pagkakaisa. (Ulat ni Lilia Tolentino)