Nagsisimyento na rin ang ilang empleyado ng Kongreso kung bakit hindi pa rin magkasundo ang mga mambabatas kung paano ang gagawing pagbibilang sa mga COCs gayong tumatakbo ang oras at kinakailangang habulin ang Hunyo 30 upang maiproklama ang bagong Pangulo at Bise Presidente ng bansa.
Kahapon ay pumayag ang oposisyon na daanin ang bilangan sa pamamagitan ng National Board of Canvassers pero kailangang dagdagan ang orihinal na 14 miyembro nito at gawing 30, 15 mula sa Senado at 15 sa Kamara.
Sa eleksiyon noong 1992 at 1998, ang NBoC ay mayroon lamang 14 miyembro, 7 sa Senado at 7 sa Kamara.
Magugunitang hindi kaagad nasimulan ang pagbibilang ng COCs dahil sa mainitang debate ng mga mambabatas kung saan iginigiit ng kampo ng oposisyon na ang buong Kongreso ang magbilang ng COCs at hindi ang mga piling miyembro ng NBoC.
Bawat mambabatas ay binigyan ng tig-1 minuto upang tumayo at sabihin ang kanilang sentimiyento pero naubos ang oras sa pagtatalo nina Sorsogon Rep. Francis Escudero at Samar Rep. Eduardo Nachura kaugnay sa gagamiting panuntunan sa bilangan. (Ulat ni Malou Rongalerios)