Hindi natuloy ang pagbibilang ng certificate of canvass (COCs) kahapon matapos kuwestiyunin ni Maguindanao Rep. Didagen Dilangalen kung aling rules ang susundin sa joint public session ng Senado at House kaugnay sa pagbibilang ng boto.
Pinanindigan ni Dilangalen na dapat manaig ang "rule of law" kung sususpindihin ang rules ng Kamara dahil sa joint session. Ayaw ni Dilangalen na gamitin sa pagbibilang ang "rules of canvassing" na ginamit noong 1992 at 1998 presidential elections kung saan nagkaroon ng National Board of Canvassers na mayroong 14 miyembro, 7 mula sa Senado at pito sa Kamara. Nais ni Dilangalen na ang buong Kongreso ang tumayong NBoC dahil ito anya ang itinatakda ng Konstitusyon at ng RA 7166.
Pero iginigiit ng kampo ng administrasyon sa pangunguna nina Senate President Franklin Drilon at House Speaker Jose de Venecia na sundin na lamang ang nakagawian na pagbuo ng 14-man committee.
Pilit namang hinaharang ni Sen. Aquilino Pimentel ang mungkahing i-adopt na lamang ang nasabing rules.
Ani Pimentel, hindi porke nakagawian ng Kongreso na bumuo na lamang ng 14-man committee ay legal na ito dahil nangyari lamang ito sa kawalan ng kumokontra subalit ngayon ay kinukwestyon na ito kaya dapat ang maging komposisyon ng NBoC ay ang Kongreso.
Ayon naman kay Sen. Joker Arroyo, kapag ang buong Kongreso ang tumayong NBoC, baka Mayo 2005 na ay hindi pa naipoproklama ang presidente at bise presidente.
Dahil dito, pagdedesisyunan ngayong araw sa magkahiwalay na botohan ng Senado at Kamara kung ano ang dapat sunding rules sa pagpapatuloy ng joint session. (Ulat nina Rudy Andal/Malou Rongalerios)