Sa report ng embahada ng Pilipinas sa Sydney sa Department of Foreign Affairs (DFA), napatunayan ng New Southwales court na si Sef Gonzales, 23, ang nagmasaker sa kanyang mga magulang na sina Teddy at Loiva, at kapatid na si Clodine.
Ang tatlong biktima ay natagpuang tadtad ng saksak sa loob ng kanilang bahay sa North Ryde Home, Sydney noong Hulyo 10, 2001.
Naunang lumabas sa imbestigasyon na sinabi ni Sef na wala siya sa kanilang bahay ng maganap ang krimen.
Pero, base sa testigo at kapitbahay ng pamilya Gonzales ay wala silang namataang ibang tao na nakapasok sa tahanan ng mga biktima o anuman na nagkaroon ng point of entry ng hinihinalang suspek sa pagpatay.
Subalit sa pagpapatuloy ng pagsisiyasat ng Sydney police ay lumabas na si Sef mismo ang suspek sa karumal-dumal na pagpatay sa kanyang pamilya. Nabatid na ang biktima ay gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Lumalabas na natakot si Sef na itakwil ng magulang dahil mababa ang grades nito sa school at hindi rin type ng kanyang magulang ang girlfriend nito. Posible ring pinag-interesan ni Sef ang milyong-milyong kayamanan ng pamilya na isa sa lumilitaw na motibo sa pagpaslang.
Sa isinagawang arraignment ng korte ay nag-plead ng not guilty si Sef, subalit sa ilang taong pagdinig sa kaso ay ipinalabas kahapon ang verdict na nagkasala ang nasabing estudyanteng Pinoy at hinatulang mabilanggo ng habambuhay. (Ulat ni Ellen Fernando)