Pagsuko ni Roco pinapurihan

Taas-kamaong pinapurihan ng samahan ng mga paaralan para sa abogasya sa bansa ang ginawang desisyon ni presidential aspirant Raul Roco na isuko ang laban sa pampanguluhang halalan pabor kay Pangulong Arroyo.

Sa isang pahayag, sinabi ni Dean Andres Bautista ng Far Eastern University at presidentre ng Association of Law Schools of the Philippines, kahanga-hanga ang ginawang kapasyahan ni Roco, alumni ng San Beda Law School.

Hinikayat din ni Bautista ang mga pinuno mula sa administrasyon at oposisyon na hintayin at igalang ang magiging resulta ng isinagawang halalan at anumang reklamo ukol sa dayaan ay dapat samahan ng katibayan at ihain sa kaukulang lugar, ang hukuman.

Sa kabilang dako, hinikayat din ni Bautista ang iba pang kandidato sa pampanguluhang halalan na sundin ang yapak na tinahak ni Roco at isakripisyo na ang kanilang pampulitikang interest para sa kapakanan ng bayan.

"In any elections, just like any game, there will be winners and losers. If the losers are not gracious enough to concede defeat, then the entire nation is the loser," paniniwala ng dekano ng isa sa prestihiyosong paaralan sa bansa para sa kursong abogasya at business management.

Aniya, masamang ehemplo ang iniiwan sa kabataan ng mga tradisyunal na dahilang ginagawa ng mga nangungulelat sa halalan. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments