Aminado ang PCDO-ACTO at PISTON na kanila nang inilalatag ang isasagawang transport strike bagamat sa ngayon ay hindi pa pinal kung kailan ito ilulunsad.
Sinabi ni PCDO-ACTO president Efren de Luna na tanging dagdag sa pasahe na lamang ang solusyon para mabawi ng mga driver ang malaking pagkalugi sa kanilang arawang kita.
Aniya, nararapat na ang fare increase sa kasalukuyan dahil umabot na sa P18.50 hanggang P19.50 ang presyo ng diesel kumpara sa presyo nito noong nakaraang taon na P14.50 lamang.
Ayon kay de Luna, hindi na nakasasapat ang discount na ibinigay ng mga kumpanya ng langis.
Sinabi naman ni LTFRB chairman Helen Bautista na hindi tumigil ang kanilang tanggapan sa pagsasagawa ng pagdinig sa panukalang fare increase. Anumang araw ay kanila umanong ihahayag kung pagbibigyan ang dagdag pasahe o hindi.
Aminado ang LTFRB na nahihirapan sila na desisyunan kung wasto bang magkaroon ng pagtaas sa pamasahe dahil hindi lang naman umano nakabase sa pagtaas ng presyo ng langis ang pagkakaroon ng fare increase. (Ulat ni Edwin Balasa)