Dahil sa maagap na aksyon ng mga poll watchers ni K-4 vice presidential bet Noli de Castro, maagap namang naitumpak ni COMELEC officer Atty. Climaco Labata ang maling certificate of canvass na nagbigay sana kay Legarda ng karagdagang 20,000 dagdag na boto, ayon kay Dave Tumulak, poll watcher ni de Castro.
Sinabi ni Tumulak na habang itinatala ang mga certificates of votes (COV), napansin ng mga watchers ang malaking pagkakaiba sa bilang ng mga boto na 90,499 sa dinagdagang 110,499 votes.
Ani Tumulak, "buti na lang at isinaisip at ginawa namin ang panawagan ni Kabayan na maging alerto lagi sa pagbabantay ng mga balota kaya naagapan namin at napigilan ang pandaraya sa boto ng mga Cebuano."
Sa pagsisiyasat, lumalabas na ang mga inatasang magbilang na sina Emma Compra, isang government employee at Alma Arellano, isang guro ang siyang nagtala ng maling bilang. Ayon kay Compra, tama naman ang binanggit niyang bilang kay Arellano pero hindi niya malaman kung bakit mali ang naitala ng huli. Habang isinusulat ang balitang ito, hindi agad nakunan ng kanyang panig si Arellano.
Agad nagprotesta ang election lawyer ni de Castro na si Atty. Elvin Cruz ng AMPGP law office sa nangyaring "dagdag-boto" nang ilipat na ang COV sa certificate of canvass na siyang magiging opisyal na basehan ng COMELEC.
Ayon sa abogado ni de Castro, pinag-aaralan na ang kasong isasampa sa mga taong kasangkot sa nangyaring dayaan. (Ulat ni Ellen Fernando)