Sa press briefing kahapon sa Camp Aguinaldo, iniharap nina Defense Secretary at ATTF chief Eduardo Ermita, PNP chief Gen. Hermogenes Ebdane ang nasakoteng bagman na si Khair Malvan Mundus alyas Abu Atman, 40, isang Filipino Arabic scholar sa Saudi Arabia, finance at logistics officer ni Abu Sayyaf Group chieftain Khadaffy Janjalani,
Sinabi ni Ermita na si Mundus ay naaresto noon pang nakalipas na Mayo 3 ng mga operatiba ng ATTF sa kuta nito sa Nurben Subdivision, Bgry. Talon-Talon, Zamboanga City subalit ngayon lamang nila iniulat ang pagkakabitag sa suspek dahil kailangan pang alamin ang "money trail" ng Al-Qaeda patungo sa ASG.
Nabatid na si Mundus ay may dalawang nakabinbing warrat of arrest sa dalawang kaso ng pambobomba na isinagawa ng ASG kabilang na ang naganap sa Kidapawan City noong Oktubre 10, 2002 na kumitil ng buhay ng 7 katao at General Santos City noong Hulyo 8, 2001.
Ayon kay Ermita, ang suspek ay direktang taga-source ng pondo mula sa Al-Qaeda terrorist networks na ipinapadala sa Pilipinas at siya namang ginagamit ng grupo ni Janjalani at sa iba pang terroristic activities.
Bawat pambobomba ay pinopondohan umano ng mga suspek ng P100,000. Kabilang dito ang bombing sa Shop-O-Rama Department Store at Shoppers Central Department Store noong Oktubre 17, 2002 at pagtatanim ng bomba sa Fort Pilar shrine sa Bgy. Barbara noong Oktubre 20, 2004 na pawang naganap sa Zamboanga City.
Sa inisyal na interogasyon, inamin ni Mundus ang koneksiyon niya sa Al Haramain, isang Middle East-based na charitable institution na tinukoy ng foreign intelligence na front ng pondo ng Al-Qaeda.
Lumilitaw na si Mundus ay nagtigil sa Saudi Arabia mula 1996-2003 kung saan kumuha ito ng Arabic course. Sa mga panahong iyo ay maraming beses na bumiyahe si Mundus sa Middle East at Pilipinas. Sa Saudi ay nag-fund raising mission ito para sa ASG noong nabubuhay pa ang napaslang na si dating Sayyaf chieftain Abdurajak Abubakar Janjalani hanggang mailipat na ang pamamalakad sa grupo sa kapatid nitong si Khadaffy.
Nabatid na tumanggap ang ASG mula sa suspek ng P5-M mula kay Mohammad Jamal Khalifa ng Al-Qaeda na idineposito sa sangay ng Landbank, Equitable PCI, Metrobank at PNB sa Cotabato City, Isabela City, Basilan, Zamboanga City at Jolo.
Sa naturang pondo, umaabot sa P2.76M ang ginamit ng ASG sa pagbili ng 300 pares ng uniform; P500,000 speedboat na ginamit sa pagdukot ng 20 katao kabilang ang mag-asawang Martin at Gracia Burnham sa Dos Palmas; pagbili ng 12 M-14 rifles at 90mm recoiless rifles.
Ang iba pang halaga ay ginamit sa Malagutay bombing at Golden Highway transit bus sa Balintawak, QC noong 2002. (Ulat ni Joy Cantos)