^

Bansa

'People power sisiklab'

-
Nagbanta kahapon ang libu-libong tagasuporta ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP) na handa silang magsagawa ng "people power" kapag natalo ang kanilang ‘manok’ na si Fernando Poe Jr. dahil sa malawakang dayaan sa halalan.

Anila, huwag munang umakto ang Pangulong Arroyo na nakuha na niya ang sunod na anim na taong termino dahil nangunguna si FPJ na pinatunayan ng magkasunod na nagdaang araw ng bilangan ng National Movement for Free Elections (Namfrel).

Ayon sa KNP, muling mauulit ang people power kagaya ng malawakang protesta na nagpatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos noong l986 at Joseph Estrada noong 2001 kapag nagpatuloy ang dayaan.

Sinabi ng kampo ni FPJ na ngayon ay patuloy na nangangalap ng ebidensya sa anila’y mga iregularidad sa eleksyon sa buong kapuluan, nananatili silang naniniwala na sila ang mananalo.

"We remain firm in our belief in the truth that victory is ours," anila.

Lumalabas na ang turnout ay mas mababa sa 80 porsyento taliwas sa inihayag ng Comelec. Maaaring isiningit ang may 2.4 milyong extra ballots na sinasabi ng KNP na inimprenta ng gobyerno para sa dayaan.

Pinabulaanan naman ito ng tagapagsalita ng administrasyon na si Presidential spokesman Ignacio Bunye.

Sinabi ni Bunye na naniniwala silang naging malinis at maayos ang eleksyon.

"Let us leave all electoral matters in the hands of the electoral body and let it finish its job," ani Bunye.

Sa rekord, umaabot pa lamang sa 5.6 porsyento ng mga precincts sa buong bansa ang nata-tally.

Base sa survey, tinatayang lalamang ng 9 porsyento si Arroyo kay FPJ sa halalan upang muling maluklok ang Pangulo.

Samantala, nabuko ng KNP na kasabwat umano sa operation dagdag-bawas ang Namfrel upang palitawin na si Pangulong Arroyo ang mananalo sa eleksyon.

Sa isinagawang pulong balitaan sa People’s Tally and Action Center ng KNP sa Makati Coliseum, inireport ni Atty. Fortune Mayuga na nagsumbong sa kanila ang kanilang watchers na nakatalaga sa La Salle Greenhills kung saan ginaganap ang quick count ng Namfrel ang ginawang pandaraya sa bilang ng boto ni FPJ.

Sinabi ni Mayuga na alas-3 ng madaling-araw kahapon ay ipinoste ng Namfrel ang kabuuang boto ni FPJ na 139,651 mula sa resulta ng botohan sa 10,474 precincts subalit nang sumapit ang alas-7 ng umaga, may pumasok na namang resulta ng boto sa iba’t ibang presinto subalit imbes na umakyat ang boto ni Da King, ito ay bumagsak sa 130,836.

Nagtaka ang watchers ng KNP dahil tumaas naman sa 12,186 ang bilang ng presinto kung kaya’t dapat din umanong tumaas ang bilang ng boto ng presidential candidate ng KNP.

Inireklamo umano nila ito kay Guillermo Luz, sec. gen. ng Namfrel subalit ang ginawa ay ibinalik sa 3 a.m. result ang boto ni FPJ na 139,651 at hindi ipinasok ang nakuha nitong boto sa karagdagang 1,712 presinto. (Ulat nina Ellen Fernando at Rudy Andal)

BOTO

BUNYE

DA KING

ELLEN FERNANDO

FERNANDO POE JR.

FORTUNE MAYUGA

FREE ELECTIONS

NAMFREL

PANGULONG ARROYO

SINABI

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with