Kinopo ni Loren ang 51% ng boto sa buong bansa, ayon sa exit poll ng Probertz na kinomisyon ng isang Catholic lay organization, habang 46.2% lang ang nakamit ni K-4 Noli de Castro.
Siyam na percentage points naman ang panalo ni Loren kay de Castro sa exit poll na isinagawa ng SWS, ayon sa TV at radio reports.
Kitang-kita naman ang posibilidad na ilang milyon ang magiging panalo ni Loren batay na rin sa exit poll ng Standard-DZRH. Itoy dahil sa pamamayagpag ni Loren sa vote-rich NCR, Cordillera Autonomous Region (CAR), regions 2, 3, 4, 8, 12 at sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Nationwide ay 48.36% ng boto ang nakuha ni Loren batay sa Standard-DZRH exit poll. Umalagwa ng todo si Loren sa NCR na siyang may pinakamalaking botante sa buong bansa, 53.41% kumpara sa 35.78% ni de Castro.
At sa kauna-unahang pagkakataon, ipinakita ni Loren ang lakas ng mga Pilipinong Muslim pagdating sa eleksiyon ng makopo niya ang 82.6% ng boto sa ARMM.
Bumandera rin si Loren sa CAR (57.9% sa 39.9% ni Noli), Region 2 (63.57% vs 33.47%), Region 3 (58.55% vs 38.25%), Region 4 (53.88% vs 40.23%), Region 8 (51.92% vs 42.39%) at Region 12 (52.54% vs 45.36%).
Nakuha rin ni Loren ang 70% boto sa Antipolo, 65% sa Batangas, 60% sa Mindoro Occidental at 55% sa Tarlac.
Pinatotohanan naman ng mga resulta ng mga quick count ang ibinabadyang panalo ni Loren batay sa exit polls. (Ulat ni Rudy Andal)