Ayon sa PNP-Central Operations Center, ang mga motibo sa mga pamamaslang ay pawang mga politically motivated na karamihan sa mga biktima ay mula sa kandidatong konsehal hanggang mayor.
Ang pinakahuling bikitma ay si Rene Dao, kandidato sa isang bayan ng Masbate na pinatay sa Cawayan matapos tambangan ng di pa nakikilalang mga salarin ang convoy ni Masbate 3rd District Fausto Seachon na tumatakbo bilang gobernador ng nasabing lugar.
Sinabi ni PNP chief Gen. Hermogenes Ebdane, Jr. na ang magiging susi sa kapayapaan matapos at habang nag-eeleksiyon ay nasa mga kamay ng mga kandidato.
Kasabay nito, kinondena naman ni Hagonoy leader Antonio Vengco ang paggamit umano ng guns, goons at gold ni Rep. Willie Sy Alvarado para sa vote buying activity nito upang masiguro ang pananatili sa poder.
Hiniling ni Vengco, liga ng mga barangay head ng Hagonoy, sa pulisya at Comelec na maging mapagbantay ang mga ito kaugnay sa paggamit umano ng pandaraya ni Rep. Alvardo sa darating na eleksyon.
Minsan na rin umanong binantaan ni Alvarado ang buhay ni Vengco. "Inutusan niya ang kanyang bodyguards na itumba daw ako. May mga testigo kami na nakarinig ng nasabing banta," sabi ni Vengco.
Pinaiimbestigahan din ni Vengco sa Presidential Anti-Graft Commission at ethics committee ng House of Representatives ang pagkakaroon ng multi-milyong mansyon ni Alvarado sa Bgy. Gatbuca, Calumpit, Bulacan bukod sa mga ginagamit nitong mamahaling sasakyan na sumulpot lamang ng maupo ito sa Kongreso. (Ulat ni Joy Cantos)